Okay, Miriam!

Wala S'yang Apelyido

Dear Diary,

Isang buwan, tatlong linggo, at dalawang araw nang nawawala si Filomena. Samantalang si Temyong, hinahanap pa rin ng mga pulisya. Ilang gabi na ring laging may padasal sa kapilya, at no'ng nakaraan, may nagkatay pa ng manok na panghanda sana sa pista.

Ilang alay at dasal pa ba?

Pero alam mo, nanaginip na naman ako.

Patay ang buwan at may mahabang prusisyon ng kababaihan sa tapat ng bahay ko. Nangunguna si Filomena at sumenyas na sumama daw ako. Nilakad namin ang kahabaan ng daan, hanggang mapunta kami sa lawang tanaw ang kabilang bayan. Nakatigil kaming lahat, akong hinihintay kung anong sunod na gagawin, at silang parang mga wala sa ulirat at malayo ang tingin.

At eto na nga.

Ang Filomena, dahan dahang naglakad sa tubig nang hindi lumulubog ang paa. "H'wag kang matakot, Monina," sabi n'ya.

"Tayong mga binhi ng ating mga ina ang bubuo sa layunin ng banal na Mutya. Silang mga lupang tigang at sinumpang hindi mamumunga, silang gabi-gabing tumangis at hindi pinagdamutan."

Huminto s'ya ng ilang segundo, hinipan ang apoy sa hawak na kandila bago bumulaga sa harap ko.

"Iiiiit's Showtime!"


poster


Tanghali na ako nang magising. Tirik ang araw at tanaw ko sa bintana ang mga karatulang naluma na sa ulan at tilamsik ng putik.

"NAWAWALA
Filomena, 24
Wala s'yang apelyido
Huling namataan: ika-9 ng Hunyo
Sa makakakita o nakakaalam ng kanyang pinaroroonan, kung maari ipagbigay-alam po lamang sa mga kinauukulan."

#alitaptap #fiction #tagalog