Okay, Miriam!

Talaarawan ni Monina Manalastas

Dear Diary,

Sarili kong katawan, ipinagkakanulo ako. Tagihawat sa nguso, naglalaparang bilbil, binting mabalahibo. Minsanan ka na lang tumitig sa salamin, kakalabanin ka pa ng mga mata mo. Ayoko nito.

Gusto ko ng gandang kagaya ng diwata sa panaginip ko. Buhok na makintab, kutis na nakakasilaw, pisngi't labing mamula-mula, mukhang wala ni bahid ng kulubot.

Sa'n ba naliligo ang mga Dyosa?

Sa pulot at gatas ba? Sa balde baldeng luha ng mga mortal na nagmamakaawang h'wag ang puso nila? O sa dugo't laman ng mga dayong nangangahas na masilayan at mahawakan sila?

Pero 'yun lang ba talaga? O baka naman may kulang pa.

May kulang nga. Sa daan-daang mga deliryo at bangungot, mas gugustuhin ko pa ring matulog na lang. Sa kabila ng mga multo at mga mukhang di ko naman mapangalanan, mga huni at awit na hindi ko naman maintindihan.

Pagkatapos gigising akong naghahabol ng hininga at humihingi ng saklolo sa mga taong namayapa na. Kapag nahimasmasan, gagala ang mga mata. Wala ang tagasundo, at wala rin ang karit.

Pipikit na ulit.

Lintik na ubo 'to. Bigla tuloy natigil ang bisyo ko. Kaya siguro ilang araw na 'kong 'di mapakali. O baka naman sa kape 'to?

Pero parang hindi naman.

Sana maikwento ko ang mga panaginip kong wala namang kahulugan. Para sabay tayong maguluhan. Tapos malay mo, yung karugtong pala, nasa panaginip mo naman.

Nagbabakasakali lang.

Nandito pa naman tayo sa unang pahina kaya hindi na muna 'ko magmumura. 'Yung engkwentro ni Filomena at ng engkanto nung nakaraang araw, sa ibang araw na lang 'yon ah. Mangangalap muna 'ko ng ebidensya.

Paano ba yan, bukas na lang.

Nagmamahal,

Monina

#alitaptap #fiction #tagalog