Pula ang Kulay ng Lawang Pumapagitna sa Alitaptap at Alingawngaw
Dear Diary,
Masamang balita. Si Temyong, natagpuang palutang-lutang sa lawa, wala nang buhay at putol pa ang dila.
Malakas na naman ang mga bulung-bulungan.
Sinong may sala? May kinalaman kaya? D'on sa, alam mo na.
Hindi magandang bisyo yan Lena. Naka belo ka pa ng lagay na yan ah!
At paanong hindi? Hanggang ngayon wala pa ring balita
d'on sa babaeng taga Gulod na dal'wang buwan nang nawawala.
Sumalangit nawa, sabay antanda.
Sa isang sulok ng kapilya, nakita kong nagno-novena
ang magkapatid na Dulce at Desideria.
Mga kapatid yan ng ikakasal di ba?
Malamang. Kontra disgrasya, kontra sakuna. Pero nakapagtataka. Wala naman ni isang haka-haka na itong si Dolores, may nobyo pala?
At parang kabuteng tumubo na lang ng kusa. Kulog, o kidlat o lindol kaya? Sumulpot si Apolonio at mga alipores nya, dala-dala ang limang patabaing baka, sabay hiningi daw ang kamay ni Dolores sa mag asawang Dionisio at Delia.
Si tanda, namamanhikan pala!
Maka-tanda ka naman Lena, ni wala pa nga s'ya sa edad na singkwenta.
Naku kahit na! 'Yung babae, hindi ba't mas bata pa sa bastardo n'ya?
Kamuntik ko nang kaladkarin ang nanay ko palabas ng kapilya, pero tama naman s'ya. Kawawang Temyong. Hindi na yata ipagluluksa o ipagtitirik man lang ni Apolonio ng kandila.
Lumabas ako, nagsindi ng dalawa. Isa para Kay Temyong, at isa Kay Filomena. Mga kaluluwang pinagtagpo pero itinakdang mapag-isa.
Nagluluksa,